-- Advertisements --

Tinitignan na ng Philippine National Police (PNP) na isa sa mga motibo sa pagkidnap at pagpatay sa filipino-chinese business man na si Anson Que at sa driver nito na si Armanie Pabillo ang maaaring pagiging sangkot nito sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) activities.

Paliwanag ni PRO III Director at PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, maaaring sangkot kasi sa mga aktibidad na ito si David Tan Liao at ilan pang mga indibidwal na tinitignan ding pwedeng maging sangkot sa naturang krimen.

Ito lamang ang ilang mga indikasyon na nakikita ng PNP na ang insidenteng ito lalo na ang mga tao na kumuha at pumtay kay Que ay may posibilidad na may kaugnayan sa POGO.

Sa naging paghahain kasi ng search warrant sa tahanan na pinaglalagian ni Liao, nasamsam ang ilang mga computers at gadgets na maaaring ginamit para mag-operate ng mga scam hubs at iba pang POGO related activities.

Malaki din aniya ang posibilidad na ang mismong bahay ay hindi lamang pinangyarihan ng ilan pang krimen at tinitignan na maaaring isa ring mini POGO hub.

Samantala, nakatakda namang isailalim sa forensic examination ang mga nasakoteng gadgets para sa data analysis nito nang malaman kung ang mga ito ba ay ginamit sa pagscam at sa kahit ano mang nga POGO related operations.

Ilang mga ebidensya rin ang nasa kustodiya na ng PNP na siyang mas makakapagdiin kay Liao bilang operator ng isang kidnap-for-hire syndicate na siyang tumatanggap ng mga utos mula sa mga financers para patayin ang mga biktima.

Sa ngayon ay nasa proseso na ng documentation ng mga ebidensya ang PNP at Anti-Kidnapping Group Unit para mahuli na ang mga indibidwal na siyang sangkot sa insidente.