Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kahandaan nila na tumugon sa patuloy na tumataas na kaso ng 2019 coronavirus (COVID-19) lalo’t may naitala na ang Department of Health (DOH) na local transmission sa bansa.
Ito ang pahayag ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa kasabay ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na naglalagay sa Pilipinas sa state of public health emergency.
Ayon kay Gamboa, nakaantabay lang ang kanilang chemical, biological, radiological, nuclear and high yield explosives unit na binubuo ng mahigit 100 pulis mula sa iba’t ibang unit ng pulisya.
Kabilang dito ang PNP Special Action Force (SAF), Health Service, Crime Laboratory at Explosives Ordinance Division – K9 na sumailalim sa masusing pagsasanay para mag-asikaso sa quarantine procedure.
Nakasuot ang mga ito ng hazardous material o hazmat suit na isang beses lang gagamitin at kargado rin ng iba’t ibang mga kagamitan at may specialized na sasakyan din na para sa pagpuksa ng nasabing virus.
Sa ipinatawag na briefing kahapon ng DOH Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Disease, hihingin na nila ang tulong ng PNP para umayuda sa mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Kasunod nito, muling umapela si Gamboa sa publiko na maging kalmado sa harap ng banta ng COVID at panatilihin ang malinis na kapaligiran, malakas na pangangatawan at malusog na pamumuhay.
Hindi magpapatupad ng no-face mask no entry ang PNP sa kanilang mga kampo sa gitna ng pagdami ng mga kaso ng locally transmitted COVID-19 na naitala partikular sa metro Manila.
Sinabi ni Gamboa ang kanilang ipatutupad ay ang mga usual precautionary measures lang.
Kabilang dito ang paglalagay ng hand sanitizers sa pasukan ng mga tanggapan.