Tiniyak ni Philippine National Police Chief PGen. Rommel Francisco Marbil na handa ang buong hanay ng Pambansang Pulisya sa mga susunod na hamon posibleng kaharapin sa mga susunod na bagyong inaasahang mananalasa sa bansa.
Ito ang binigyang-diin ng hepe ng buong hanay kapulisan kasunod ng ikinasang simultaneous showdown inspection ng PNP sa mga kagamitan nito para sa Disaster response effort sa mga lugar na naapektuhan ng nagdaang Bagyong Aghon.
Kabilang sa naturang mga kagamitan na iinspeksyon ni Marbol ay ang aabot a 40,000 Search, Rescue, and Retrieval Equipment, mahigit 5,000 sasakyan, at mahigit 43,000 supplies na ipinamahagi naman sa 17 Police Regional Office, at National Support Units sa buong bansa na tinatayang may katumbas na halaga na aabot sa mahigit Php7,000,000.
Sa pamamagitan ng mga makabagong kagamitan at kakayahan na ito ng mga pulis ay nagpahayag ng kumpiyansa si PNP Chief Marbil na magagampanan ng kapulisan ang mandato at tungkulin nito na tiyaking ligtas ang bawat mamamayang Pilipino.
Samantala, kasunod nito ay nagpasalamat naman ang pinuno ng PNP sa pakikibahagi ng mga pulis sa pag responde sa mga biktima ng pananalasa ng Bagyong Aghon sa bansa.