-- Advertisements --

Obligado na ngayong gamitin ng mga tauhan ng PNP ang mga body-worn cameras o alternative recording devices (ARD).

Ito ang inihayag ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, matapos maglabas ng Memorandum ang Directorate for Operations (DO) nitong Lunes, August 2 na nagsasaad ng general protocols sa paggamit ng mga BWCs o ARDs sa pagsisilbi ng search warrant gayundin ng warrant of arrests.

Ang Memorandum ay ipinalabas para sa mga Regional Police Directors at National Operational Support Unit Directors para sa mahigpit na pagpapatupad.

Ayon kay Eleazar, ngayong may malinaw na alituntunin mula sa Korte Suprema sa paggamit ng body-worn cameras, panahon na para ito ay gamitin.

Pagbibigay-diin ni PNP Chief, nakasaad sa memorandum ang general protocols sa paggamit ng BWCs o ARD kung saan, hindi ito maaaring patayin anumang oras habang isinisilbi ang search at arrest warrant.

Sa kaso naman ng warrantless arrest, gagamitin pa rin ang mga BWC o ARD basta’t nasusunod ang panuntunan.

Samantala, binigyang-diin ni PNP Chief na malapit nang matapos at maipamahagi ang kanilang Enhanced Operational Guidelines and Policies sa paggamit ng BWCs at ARDs sa lahat ng tanggapan ng pulisya.

Ito’y hindi lamang umano para sa proteksyon ng mga karapatan ng mga kababayan natin kundi proteksyon din ng kanilang hanay laban sa mga maling haka-haka at alegasyon sa isinasagawa sa kanilang operasyon.