Nakaalerto ang PNP ngayong araw kahit blended and distance learning ang pagbubukas ng klase ngayong araw sa ilalim ng “New Normal.”
Ayon kay PNP Chief Gen. Camilo Cascolan nakaalalay pa rin ang 210,000 police forces sa buong bansa ngayong pormal nang nagbukas ang klase sa Pampublikong Paaralan.
Lalo na duon sa mga guro, school personnel at mga magulang.
Sinabi ni Cascolan, bagama’t hindi nila inaasahan na daragsain ang mga Paaralan dahil sa “New Normal” na sistema ng edukasyon, tiyak may mga magtutungo pa rin sa mga eskwelahan para kumuha ng modules.
Dahil dito, sinabi ng PNP Chief na paiigtingin pa rin nila ang Police visibility sa mga Paaralan lalo pa’t nais nilang makatiyak na masusunod pa rin ang mga health at safety protocols ngayong nananatiling banta pa rin ang COVID 19.
Siniguro ni Cascolan na nakatutok ang buong pwersa ng PNP sa buong bansa para sa pagbubukas ng klase.
Kahit limitado lamang ang mga tutungo sa mga eskwelahan ngayong araw, maglalatag pa rin ang PNP ng mga public assistance desk na siyang reresponde kung may hindi inaasahang mangyayari sa unang araw ng pagbubukas ng klase.
“Expect natin na may dagdag ng volume na magtutungo sa mga paaralan kahit pa distance learning dahil tiyak na may kailangan silang kunin, kaya naman kami sa PNP ay nais naming matiyak ang kaligtasan ng ating mga guro at iba pa,” ayon kay Cascolan.
Ayon naman kay PNP Spokesman, Col. Ysmael Yu na handa ang mga pulis na umasiste sa publiko sakaling may mangyaring mga untoward incident.
Hinimok din ang mga ito na lumapit sa mga itinalagang help desk sa mga paaralan.