-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na makakatanggap ng tulong ang pamilya ng dalawang pulis na namatay at dalawa ang sugatan sa pag-atake ng teroristang Abu Sayyaf sa Parang Municipal Station sa Sulu noong Sabado.

Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, bukod sa mga benepisyo mula sa PNP, ay mayroon ding tulong pinansiyal na matatanggap ang mga pamilya ng mga nasawing pulis mula sa Presidents Social Fund.

Nakakatanggap naman aniya ng medical assistance ang dalawang pulis na sugatan na ngayon ay nagpapagaling sa ospital.

Kinilala ang mga nasawing pulis na sina Patrolman Arjun Putalan at Corporal Mudal Salamat, habang ang mga sugatan naman ay sina Police Executive Master Sargent Hamid Saribbon at Police Senior Master Sargent Harold Nieva.

Ayon kay Banac kasalukuyan pang iniimbestigahan ang nangyaring pag-atake, at on going ang hot pursuit operations sa tulong ng militar sa mga suspek na umano’y malaking bilang ng mga armadong lalaki na may matataas na kalibre ng baril ang lumusob sa police station.

Samantala, inalerto na ng PNP BARMM ang lahat ng mga police stations nito para mapigilan ang kahalintulad na pag-atake.

Ayon kay PNP-BARMM spokesperson Capt. Jemar Delos Santos, naglabas na ng direktiba si BARMM regional police director B/Gen. Emmanuel Abu na palakasin ang seguridad sa mga police station lalo na sa mga lugar may mataas ang banta.