Nagpapatuloy ang manhunt operation laban sa dalawang suspek na bumaril patay sa isang police lieutenant habang sugatan ang isa pa sa may bahagi ng Baclaran.
Binigyang-pugay ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang magigiting na Pulis na nag-alay ng sariling buhay habang tinutupad ang kanilang tungkulin sa bayan.
Nasawi sa enkwentro sina PLt. Armand Melad at pagkakasugat naman ni PCpl. Allan Baltazar matapos mapasabak sa engkuwentro sa Baclaran, Parañaque City nuong June 21.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa, hindi matatawaran ang ginawang kabayanihan ni Melad kaya’t makaaasa ang pamilya nito ng kaukulang tulong at suporta mula sa PNP.
Makatatanggap din ng tulong pinansyal at benepisyo ang kasamahan ni Melad na si Baltazar na nasugatan sa engkuwentro at nasa ligtas na kalagayan ngayon.
Sina Melad at Baltazar ang mga Pulis na sumita sa mga suspek na sina Moamar Sarif at Joven Viña alyas Miko dahil sa bukod sa hindi nila pagsusuot ng helmet, magka-angkas sa motorsiklo na mahigpit ipinagbabawal sa ilalim ng community quarantine.
Tatlong tama ng bala ang natamo ni Melad na dahilan ng agaran nitong pagkamatay habang sa binti naman ang tinamong sugat Baltazar.
Pinarangalan naman ni NCRPO chief MGen. Debold Sinas ng Medalya Ng Sugatang Magiting si Cpl. Baltazar na kasakuluyang naka confine sa San Juan De Dios Hospital.