-- Advertisements --

Tiniyak ni PNP Chief General Guillermo Lorenzo Eleazar na hindi maaaresto ang mga bata na mahuhuling lumalabag sa quarnatine rules.

Reaksiyon ito ni PNP Chief kasunod sa pahayag ng Commission on Human Rights (CHR) na hindi dapat arestuhin ang mga batang mahuhuling lumalabag sa quarantine protocols sa halip ay dapat lang silang pagsabihan at ibalik sa kanilang mga magulang.

Sinabi pa ng PNP Chief na agad makikipag-usap ang mga pulis sa magulang sakaling mahuli ang kanilang mga anak na lumalabag. Nakikipagtulungan na rin ang PNP sa Department of Social Welfare and Development sa paghawak ng mga kaso ng mga batang lumalabag sa quarantine rules.

Binigyang-diin ni Eleazar na hindi naman dapat arestuhin ang mga batang lumalabag sa curfew o iba pang quarantine protocols na ipinatutupad sa Metro Manila.

Binigyang-diin ni PNP Chief na sa simula pa lamang at sa tuwing may mga bata na lumalabag sa quarantine protocols ang ginagawa ng mga kapulisan ay kausapin ang mga magulang ng mga bata upang mapangaralan ng mga ito ang kanilang mga anak.

Siniguro naman ni Eleazar na batid ng PNP ang karapatan ng bawat bata.

“We assure the CHR and the public that it falls within our mandate to care for and protect our children. We also are fully aware of the provisions of the Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 including its amendments,” wika ni Gen. Eleazar.