Tiniyak ng PNP na kakasuhan ang sinumang sangkot sa pagkamatay sa isang PMA cadet kung may ebidensya ng foul play.
Ayon Kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, ayaw pang magsagawa ng “hasty conclusion” ang PNP sa dahilan ng pagkamatay ni cadet Darwin Dormitorio.
Giit ni Banac kung may ebidensya na may krimen na nangyari maglulunsad ng criminal proceedings ang PNP laban sa mga suspek na hiwalay sa prosesong itinatakda ng military justice system o court martial.
Dagdag pa nito na inatasan ng pamunuan ng PNP ang Crime Lab Baguio na bigyan ng technical support ang Baguio City Police sa kanilang imbestigasyon sa pamamagitan ng forensic examination ng mga ebidensya at pagsasagawa ng autopsiya sa biktima na may permiso ng pamilya.
Unang iniulat ni B/Gen Ephraim Dickson, PRO-Cordillera regional director, na may tatlong persons of interest ang kasalukuyang sumasailalim sa custodial investigation ng pamunuan ng PMA.
Tatlong upper classmen ng biktima ang sangkot dalawa dito ay second class cadet at isang 1st class cadet.
“At this point in time, nasa custodial investigation or restrictive custody ng pamunuan ng pma at subjected for administrative evaluation or investigation kasi dalawa yan eh, doon sa academy magreceive rin ng administrative investigation again,” wika ni Dickson.
Iniulat din ni Dickson na base sa medico-legal findings, namatay si Dormitoryo sa Cardiac arrest sanhi ng internal bleeding, at may mga pasa ito sa tiyan na maaring indikasyon na ito ay sinuntok o tinadyakan.
” Per our medico legal, ang report ay parang walang ginamit na instrument, suspected pwedeng nasuntok o nasipa. Komplikado ang nangyari kasi per our report, nagkaroon ng internal bleeding sa loob,” pahayag ni BGen. Dickson.