Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na may sapat silang pwersa para magmando sa mga checkpoints at pagpapanatili ng peace order.
Ito ay sa kabila ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pulis na itinuturing ngayong Persons Under Monitoring (PUM) at Persons Under Investigation (PUI) dahil sa COVID-19.
Ayon kay Joint Task Force Covid Shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, hindi lahat ng kanilang pwersa ang naka-deploy ngayon sa iba’t ibang checkpoints sa Luzon.
Mayroon pa anya silang tinatayang 8,000 pulis na naka-reserve sakaling kailanganin pa sa ground.
Tiniyak din ni Eleazar na pinapangalagaan nila ang kalusugan ng kanilang frontliners kaya kanilang sinisiguro na may Personal Protective Equipments o PPE na suot ang mga ito.
Sa ngayon, nasa 709 na mga pulis ang PUM habang 61 ang PUIs.
Istrikto ring ipinatutupad ngayon sa lahat ng kampo ng PNP sa buong bansa ang biosafety protocols.
Samantala, lalo pang hihigpitan ng PNP ang seguridad din sa mga checkpoints.
Ito ay matapos ang ulat na may nakalusot na indibidwal at naglakad pauwi ng Bicol.
Sinabi ni Eleazar na hindi na dapat payagan na makadaan sa mga checkpoint ang mga kababayan nating naglalakad para lamang makauwi sa kanilang probinsya.
Sa ganitong paraan anya makakaiwas ang mga ito na makakuha ng virus.