-- Advertisements --

Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na hindi maapektuhan ang mga kaso laban sa mga drug suspects na nakabinbin ngayon sa korte, ngayong hindi na parte ang PNP sa kampanya kontra droga.

Ayon kay PNP spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, siniguro ng PNP sa National Prosecution Sevice na magiging available pa rin ang mga police witnesses at ebidensyang hawak nila sa mga kasong may kinalaman sa droga.

Kasalukuyan aniyang may 109,000 kasong isinampa laban sa mga drug offenders na naaresto sa 71,000 separate police anti-drug operations.

Dagdag ni Carlos, ang “court duty” o ang pag-testigo sa husgado ay kabilang sa mga responsibilad ng mga pulis, at handang gampanan ito ng mga pulis kung ipatawag sila ng korte.

Magugunitang nitong ika-10 ng Oktubre, ipinagutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglipat ng pamumuno ng kampanya kontra droga sa PDEA mula sa PNP.

Kasunod nito, ipinagutos ng PNP chief Ronald Dela Rosa na i-turn over ng PNP sa PDEA ang lahat ng hawak nitong mga kasong may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot.