Tiniyak ng Philippine National Police na kanilang iimbestigahan ang sinumang lalabag sa quarantine protocol sa COVID-19.
Ito’y kasunod na rin ng pahayag ng Malacanang na dapat beripikahin ng mga kaukulang ahensya ang mga reklamo sa mga opisyal na umano’y binabalewala ang protocol na itinakda ng Department of Health (DOH).
Ayon kay PNP Spokesperson B/Gen. Bernard Banac, pormal na reklamo mula sa pamunuan ng ospital lang ang hinihintay nila nang sa gayon ay agad silang makapaglunsad ng imbestigasyon.
Sa ngayon kasi hindi pa sila makakagawa ng aksiyon dahil dapat idaan ang lahat sa tamang proseso.
Pagtiyak ni Banac na sa oras na may matanggap ng reklamo at makakalap ng sapat na ebidensya, hindi umano mangingimi ang PNP na magsampa ng kaso sa korte para madiin ang suspek na lumabag sa quarantine protocol.
Dagdag pa ni Banac, tanging korte lang din ang pwedeng magdiin sa suspek sa pamamagitan ng probable cause at maglabas ng warrant of arrest kung kaya’t nakaantabay lang sila bilang tagapagpatupad ng batas.