Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magiging patas at tapat nilang susundin ang Memorandum Circular no. 3-2025 ng Civil Service Commission (CSC) na nagsasad at nagbabawal sa mga opisyal at emplayado ng gobyerno na makilahok sa partisan political activities ngayong election period para sa nalalapit na 2025 national and local elections.
Kasama sa ipinagbabawal sa ilalim ng memo ang pag-like, share o maski magiwan ng komento sa mga political posts na nakalagay sa kahit anong social media platforms o kahit anong aksyon na nangpapakita ng suporta o pagtutol sa isang partikular na kandidato o maski partido.
Layon nito na matiyak na mananatiling neutral at may integridad ang pagseserbisyo ng mga governement workers kabilang ang mga unipormadong tauhan sa publiko sa panahon ng halalan.
Ayon kay Chief PNP General Rommel Francisco Marbil, magpapatuloy ang hanay ng PNP na makapagbigay ng serbisyo sa publiko ng may propesyonalismo at integridad.
Tiniyak rin ng hepe na susundin ng lahat ng kapulisan ang mga alituntunin ng CSC at gagawing prayoridad ang proteksyon at seguridad ng mga mamamayang pilipino.
Samantala, tiniyak rin ni Marbil na hindi niya papalampasin ang mga lalabag sa alituntuning ito at agad na makakatanggap ng karampatang parusa gaya ng suspensyon o pagtanggal sa mga ito sa serbisyo sa sinumang lalabag sa direktibang ito.