-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Hindi naniniwala si PNP-12 spokesperson Lt. Col. Lino Capellan na natumba ang hanay ng kapulisan kaugnay sa mga kontrobersiya na hinarap ng PNP ngayong taong 2019.

Reaksyon ito ng opisyal sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kasunod sa naging pahayag ni PNP-OIC chief Lt. Gen. Archie Gamboa na natumba umano ang hanay ng PNP bunsod sa mga iskandalong kanilang hinarap lalo na ang usapin ng ninja cops.

Para kay Capellan, hindi umano nawawala ang mga kontrobersiya ngunit tiniyak nito na nananatiling matatag at tapat ang kapulisan sa kanilang tungkulin.

Patunay aniya nito ang paglilinis sa kanilang hanay kung saan walang sinasanto sa pagsibak sa mga nagkakasalang mga opisyal, high-ranking man o low-ranking ang kanilang posisyon.

Samantala ikinalugod din ng opisyal ang patuloy na pagsuporta ng publiko sa naturang law enforcement agency matapos naitalang nasa ikatlong pwesto batay sa latest Pulse Asia Survey.

Sa naturang survey na isinagawa noong Disyembre 3 hanggang 8, 2019 nangunguna ang Department of Health na may 80 percent, sinundan ng Armed Forces of the Philippines na may 75 percent at 74 percent naman ang PNP.

Ayon kay Capellan, posibleng naging malaking kontribusyon dito ang kanilang mga accomplishments na nagawa sa anti-drug campaign.