Sa kabila ng mga kamakailang armadong bakbakan, tiniyak ng mga otoridad sa publiko na walang indikasyon na gagawa ng gulo ang New People’s Army (NPA) sa darating na May 12 elections sa isla ng Negros.
Ayon sa mga otoridad, ang naturang sagupaan ay pangunahing bahagi pa ng patuloy na pagsisikap kontra-insurhensya ng gobyerno na nagsisilbing patunay sa patuloy na pagbabantay ng Philippine Army at hindi direktang nauugnay sa halalan.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PBGen Arnold Thomas Ibay, OIC ng PRO-NIR, sinabi nitong bagama’t nandyan pa rin ang remnants ng Communist Terrorist Group (CTG), tiniyak nito na ‘on top of the situation’ ang pulisya katuwang ang iba pang law enforcement unit.
Sinabi pa ni Ibay na kasama na sa kanilang security preparations ang posibleng paghasik ng gulo ng mga makakaliwang grupo.
Aniya, mahigpit naman silang nakikipag-ugnayan at nakikipagtulungan sa Philippine army sa naturang isla.
Pagtitiyak din nito na sapat ang kanilang mga tauhan na ipapakalat upang ma-address kung ano man ang binabalak ng mga ito.
Sa ngayon, handa na umano sila sa darating na eleksyon at hinihintay na lamang nila ang iba pang tagubilin mula sa Commission on Elections.
Pinaplantsa na rin ang lahat ng movement ng mga automated counting machines, balota, at mga gagawing pagbabantay para pagdating sa araw ng election ay nakalatag na ang lahat ng security deployment.