Tiniyak ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na palalakasin pa ng PNP at PDEA ang kanilang pagtutulungan para masustini ang tagumpay ng kampanya laban sa ilegal na droga.
Ito ang inihayag ni Eleazar kasunod ng huling ulat ng “real numbers” kung saan nakumpiska ang mahigit P62.22 bilyong halaga ng iligal na droga, kasama na ang 8,134.61 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P51.33 bilyon.
Ayon kay Eleazar, walang patid ang kampanya kontra droga kahit ngayong panahon ng pandemya dahil hindi rin tumitigil sa kanilang ilegal na aktibidad ang mga drug personalities.
Sinabi ni Eleazar na hindi pa tapos ang laban sa droga subalit napakalaki ng ipinagbago ng sitwasyon na nagresulta ng napakalaking pagbaba sa mga kaso ng krimen batay na rin sa datos ng PNP.
Nitong nakalipas na Hulyo, kapwa lumagda ang PNP at PDEA ng isang joint memorandum circular na nagsasaad ng panuntunan kung paano dapat ikasa ang mga operasyon kontra iligal na droga.
Layunin nito na maiwasan ang anumang “mis-coordination” sa kanilang drug operations.