Inatasan ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang PNP-Highway Patrol Group (HPG) para bantayang maigi ang mga pampublikong sasakyan lumabag sa quarantine protocols tulad ng mga bus at jeepney.
Una ng inanunsiyo ni PNP Chief na asahan na ang mas mahigpit na pagpapatupad ng border control checkpoints partikular sa NCR plus o mga lugar gaya ng Cavite, Laguna, Bulacan at Rizal kahit ibinaba na sa MECQ ang Metro Manila.
Batay sa inilabas na memorandum ni PNP Directorate for Operations (DO) Chief MGen. Alfred Corpus, inatasan nito ang NCRPO, Central Luzon at CALABARZON Regional Police na maglabas ng Temporary Operators Permit sa mga mahuhuling lumalabag sa quarantine protocols.
Kabilang sa mga paglabag na tututukan ng PNP ay ang overloading, hindi pagsunod sa physical distancing, hindi pagsusuot ng facemask at face shield gayundin ang limitadong kapasidad sa mga pampublikong sasakyan batay sa panuntunan ng IATF.
Paliwanag ng PNP Chief, kailangan nilang gawin ang mga ganitong paghihigpit lalo pa’t kailangang malimitahan lang sa mga APORs ang mga papayagang bumiyahe sa nabanggit na mga lugar.
Babala pa ni Eleazar, sinumang tsuper na susuway sa mga ipinatutupad na panuntunan ay makatatanggap ng ticket mula sa PNP kalalip ang karampatang parusang ipapataw sa kanila.