NAGA CITY – Kinumpirma ngayon ng Philippine National Police (PNP) na mahigpit ang ginagawa nilang monitoring sa ilang posibleng private armed groups (PAGs) sa lalawigan ng Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Col. Roderico Roy, provincial director ng Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), sinabi nitong mayroon silang binabantayan na posibleng mga PAGs sa lalawigan na kinabibilangan ng Luceña at Mabolo criminal groups.
Ibinunyag din ni Roy na base sa kanilang mga intelligence report, si Mayor Fermin Mabolo ng bayan ng San Fernando ang umano’y nasa likod ng Mabolo criminal group ngunit pinabulaanan aniya ito ng alkalde.
Bagama’t itinanggi ng alkalde ang naturang paratang, binigyan diin ni Roy na magpapatuloy pa rin ang kanilang pagbabantay sa naturang grupo.
Sa kabilang dako, una na aniyang ni-raid ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang Luceña criminal group at nakumpiska na sa mga ito ang kanilang mga armas ngunit under monitoring rin ang naturang grupo.
Samantala, bagama’t wala pa aniya silang nakikitang galaw mula sa Concepcion Criminal Group na pinamumunuan naman ni Gilbert Conception mula sa Libon, Albay ngunit kasama rin ito sa mahigpit na babantayan ng mga otoridad.
Sa ngayon, tiniyak ni Roy na nagpapatuloy ang mas pinahigpit na security measures ng kapulisan lalo na ngayong nalalapit na ang 2019 midterm election.