Todo paalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko laban sa mga iligal na magpapaputok ng armas para pagsalubong sa bagong taon mamaya.
Kasama sa pinaalalahanan ang mga uniformed personnel ang mga pulis at sundalo.
Sa ngayon kasi dalawang sundalo at isang pulis ang inaresto dahil sa iligal na pagpapaputok ng kanilang baril.
Mensahe ni PNP OIC Lt.Gen.Archie Gamboa sa pulis at sundalong nagpaputok ng kanilang armas na walang patutunguhan ang kanilang ginawa dahil maari itong maging dahilan para sila ay matanggal sa serbisyo.
Sinabi ni Gamboa kaniya ng inatasan ang mga police commanders na payuhan at iremind sa kanilang mga tauhan na huwag magpaputok.
Giit ng heneral, mahigpit na ipatutupad ang one strike policy, sa sandaling magkaroon ng insidente ng indiscriminate firing sa kanilang lugar, sisibakin agad sa pwesto ang commander.
Sa panig naman ng mga sibilyan lalo na ang mga gun owner, kasong criminal ang kanilang kahaharapin, tanggal din ang lisensiya ng kanilang armas maging ang LTOPF.
Sa kabilang dako, hinimok naman ni PNP Spokesperson BGen. Bernard Banac ang publiko na agad ireport sa mga otoridad kung may mga kaso ng indiscriminate firing na naitala sa kani-kanilang mga lugar.
Paalala naman ng PNP na huwag gamitin ang mga baril bilang pagsalubong sa bagong taon.
Babala naman ni Banac sa mga magtitinda ng mga iligal na paputok na sila ay huhulihin at sasampahan ng kaso.