-- Advertisements --

Pinaaalalahanan ngayon ng PNP Anti-Cyber Crime Group ang publiko lalo na sa mga indibidwal na mahilig sa social media na gawin ang todong pag-iingat kaugnay sa pag post ng mga personal na impormasyon.

Ginawa ng PNP ang paalala sa harap na kinasasangkutang kontrobersiya ngayon ng basketball player na si Kiefer Ravena na nabiktima ng pangingikil gamit ang social media o internet.

Ayon kay PNP ACG spokesperson, PSupt. Jay Guillermo na maraming pagkakataon na balewala lamang ang pagpo-post sa social media o viber group ng maraming larawan, video o maging mga personal na mensahe nang hindi muna iniisip kung makabubuti ba ito o magdudulot lamang ng kapahamakan sa personal nilang buhay.

Sinabi ni Guillermo na ang pag post minsan ng mga personal na bagay ay nagdudulot minsan ng panganib dahil sa modernong teknolohiya.

Payo ng PNP sa publiko na huwag agad magtitiwala at magbibigay ng personal na impormasyon sa kung sino-sino lang lalo pa kung sa sandaling panahon lamang ito nakilala.