-- Advertisements --

Ipinaliwanag ng Philippine National Police (PNP) ang isyung pagbabalik sa active duty status ni P/Supt. Marvin Marcos at ang grupo nito matapos masuspinde bunsod ng kasong kriminal na kanilang kinakaharap dahil sa pagpatay kay dating Albuera Mayor Rolando Expinosa.

Ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, hindi na-reinstate si Supt. Marcos sa PNP kungdi ang tawag dito ay “revert to active duty status” dahil hindi naman ito natanggal sa serbisyo.

Sinabi ni Carlos na noong makulong ang grupo ni Marcos, otomatikong leave of absence o LOA ang status ng mga ito sa PNP.

Nang makalaya naman aniya matapos payagan ng korte na makapagpiyansa, dito na rin nagtapos ang “LOA” status ni Marcos at bumalik na siya sa kontrol ng PNP.

Pero dahil may umiiral na suspension sa kasong administratibo, hindi ito nakabalik sa trabaho noon.

Inihayag ni Carlos na tapos na ang suspensyon ni Marcos kaya walang dahilan pa rin hindi ito magtrabaho gayong sumusweldo pa rin siya sa PNP.