-- Advertisements --

Lubos ang pasasalamat ng pamunuan ng pambansang pulisya sa South Korean government sa donasyong 130 patrol vehicles na gagamitin sa anti-criminality campaign.

Isinagawa nitong Martes ang turn over ceremony sa Camp Caringal, Quezon City.

Ang 130 na patrol vehicles ay binubuo ng 81 units na Starex vans, 49 units ng Hyundai Elantra.

Ayon kay Commissioner General Lee Chul-Sung, hepe ng Korean National Police, ibinigay nila ang mga sasakyan bilang pagkilala sa pagkakaibigan ng Korea at ng Pilipinas.

Nais kasi ng South Korea na mapaigting pa ang police bilateral relations ng dalawang bansa.

Nagpasalamat naman si PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde sa mga donasyon at nangako na gagamitin ito ng PNP sa pagsugpo sa krimen.

Makikinabang sa mga bagong sasakyan ang Directorate for Investigation and Detection Management (DIDM), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Anti-Kidnapping Group (AKG), Anti-Cybercrime Group (ACG) at Natioanal Capital Region Police Office (NCRPO).

Ipapamahagi rin ang mga sasakyan sa mga ilang lugar na may Korean Communities kagaya ng Angeles City, Cebu, Lapu-Lapu, Mandaue, Davao at Baguio City.

Noong July 12, 2017 ang KOICA project accord ay nilagdaan noon ng PNP at Korean Embassy na naglalayon para palakasin ang criminal investigation capability ng PNP bilang kauna-unahang cooperative project sa pagitan ng Republic of Korea at Pilipinas.