Aminado ang Philippine National Police (PNP) na tukoy nila ang ilang mga eskwelahan sa kalakhang Maynila na talamak ang bentahan ng iligal na droga.
Ayon kay PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde na mahalaga na magkaroon sila ng memorandum of agreement sa Department of Education (DepEd) para magsagawa ng surprise inspections sa iba’t ibang public schools hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa ibang mga bahagi ng bansa.
Tumanggi naman si Albayalde na pangalanan ang nasabing mga eskwelahan pero under surveillance na raw ang mga ito.
Target ng PNP na maaresto ang mga drug pushers na pinapasok ang mga eskwelahan at ginagamit ang mga menor de edad sa kanilang mga iligal na aktibidad.
Ang pahayag ni Albayalde ay kasunod sa lumabas na video na kitang kita na binibentahan ng droga ang ilang mga estudyante.
Giit ni PNP chief, lalo pa nilang palalakasin ng mga pulis ang kanilang anti-illegal drug campaign sa mga paaralan.