-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Hinangaan ang ginawang pagtulong ng mga tauhan ng pulisya sa isang driver ng pick-up na sasakyan na muntikan na sanang mahulog sa malalim na parte ng nasirang detour road sa Barangay Budiao, Daraga, Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PLtCol. Ronnie Fabia, hepe ng Daraga PNP, nagpapatrolya siya kasama ang ibang tauhan nang makita ang driver.

Nalaglag na ang unahan ng sasakyan sa hukay nang bumigay ang lupa habang itinutulak pa ng malaking volume ng tubig.

Nataranta at hindi na rin malaman ng driver ang gagawin na nakatawag sa atensyon ng kapulisan.

Ayon sa hepe, naghanap sila ng malaking lubid at nagpatulong sa isang naka-standby na payloader malapit sa detour road.

Hinila ng payloader ang pick-up hanggang sa matagumpay na naangat ang unahang bahagi makalipas ang ilang minuto.

Malaki naman ang pasasalamat ng driver sa tulong ng PNP habang swerteng wala ring tinamong sugat sa nangyari.

Samantala, isinara na muna sa publiko ang naturang daan upang makaiwas sa anumang aksidente.