Naniniwala ang PNP na ang mas agresibo nilang mga operasyon ang dahilan ng pag-akyat ng bilang ng mga kaso ng pamimili ng boto noong panahon ng kampanya bago ang halalan sa Mayo 13.
Sinabi ni PNP Spokesperson, Col. Bernard Banac sa panayam ng Bombo Radyo, ang pagiging epektibo ng seguridad na ipinatupad nila noong campaign period ang rason sa pagbaba ng mga kaso ng election-related violence sa buong bansa, lalo na sa mga lugar na idineklarang red area categories.
Ayon kay Banac, maganda aniyang indikasyon ito na upang mapanatiling maayos ang sitwasyon hanggang sa mismong araw ng eleksyon.
Pero paliwanag pa ni Banac, dahil dito ay posible raw na nagpalit ng istratehiya ang mga kandidato at kanilang mga tagasuporta na lumipat sa pagbili ng boto mula sa paggamit ng dahas para magapi ang kanilang mga katunggali.
Bilang tugon, winika ng opisyal na bumuo na ang pulisya ng 105 tracker teams na ipinakalat sa buong bansa upang tutukan at manmanan ang mga kaso ng pamimili at pagbenta ng boto.
Sakaling maaktuhan aniya ang mga suspek ay kaagad nila itong dadakpin at dadalhin sa presinto upang makasuhan.