Iniulat ng pamunuan ng Philippine National Police na naging mapayapa at walang anumang naitalang karahasan kasabay ng ika-56 na anibersaryo ng CPP-NPA kahapon.
Sa isang pahayag ay sinabi ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, matapos ang naging anibersaryo ng mga komunistang grupo ay walang anumang karahasan ang kanilang namonitor.
Sa kabila nito ay tiniyak ng Pambansang Pulisya na mananatili silang naka monitor sa mga pampublikong lugar.
Nakakalat pa rin ang kanilang mga tauhan sa mga estratehikong lugar para matiyak ang kaayusan at kapayapaan ng publiko ngayong holiday season.
Kabilang sa mga lugar na ito ay mga mall, port, terminal, plaza at iba pang tinataong lugar.
Kaugnay nito ay hindi naman nagdeklara ang pamunuan ng PNP ng anumang Suspension of Offensive Police Operations laban sa mga miyembro ng naturang komunistang grupo.