Walang nakikitang problema ang Philippine National Police sa pananatili ng mga Chinese nationals sa Cagayan Valley.
Ito ang inihayag ng Pambansang Pulisya matapos punahin ng isang mambabatas ang pagdami ng bilang ng mga Chinese students sa naturang lalawigan na tinukoy pang posibleng maging banta sa seguridad ng ating bansa.
Paliwanag ni PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, mayroong legal na batayan ang pananatili ng mga Chinese nationals sa Cagayan.
Batay kasi aniya sa mga impormasyong nakalap ng lokal na pulisya ay mayroong imbitasyon mula sa Commission on Higher Education ang mga Chinese students sa lugar.
Ibig sabihin, maituturing na foreign students ang mga ito na mas piniling mag-aral sa ating bansa partikular na sa nasabing lalawigan na bahagi rin ng kanilang hakbangin ng lokal na pamahalaan.
Kasabay nito ay tiniyak din aniya ng Cagayan Provincial Government na walang dapat na ikabahala ang publiko ukol dito sapagkat may hawak na mga dokumento ang naturang mga Chinese students.
Gayunpaman ay patuloy pa rin naman ang ginagawang monitoring ng PNP ukol dito at wala pa naman aniya silang naitatalang mga iligal na aktibidad na kinasasangkutan ng mga ito.
Siniguro rin ng kapulisan na agad na aaksyunan ng kanilang hanay ang anumang mamomonitor na paglabag ng sinuman mapa-dayuhan man o lokal na residente sa lugar.
Report by Bombo Marlene Padiernos