Wala umanong nakukuhang impormasyon ang PNP na may banta sa buhay si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP Spokesperson P/Col. Bernard Banac, wala silang nakuhang validated report na may banta sa buhay ng Pangulo.
Siniguro naman ng PNP na bibigyan nila ng sapat na perimeter security ang Pangulo kapag ito ay may public appearance.
“There is no validated death threat upon the life of PRRD. However, the PNP wil always be vigilant and not let its guard down in providing area and perimeter security whenever he is out for speaking engagements, visitations or inspections,” pahayag ni Banac.
Nagsalita noong Martes ang Pangulo sa isang pagtitipon sa Malabon at sinabing nilagyan ng bulletproof glass ang entablado bilang bahagi ng seguridad.
Kung may banta man sa buhay ng pangulo ito ay dahil sa kaniyang trabaho lalo na sa kampanya kontra iligal na droga, communists terrorists at mga kriminal.
Ang Presidential Security Group (PSG) ang siyang nangangasiwa sa seguridad ng pangulo.