Walang natatanggap ang Philippine National Police (PNP) na impormasyon kaugnay sa umano’y banta sa buhay ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.
Batay kasi sa audio message na ibinahagi ni Pastor Quiboloy nitong Miyerkules, inakusahan niya ang gobyerno ng US kasabwat umano ang ilang opisyal ng gobyerno ng PH na may niluluto umanong plano para dispatiyahin siya sa pamamagitan ng rendition dahil sa mga kasong kinakaharap nito sa US kayat nagtatago ito sa kabila ng inisyung subpoena laban sa kaniya para humarap sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa kaniyang mga kaso kaugnay sa crimes against women and children.
Ayon kay Police Col. Jean Fajardo, maliban sa naging pahayag ni Pastor Quiboloy, walang anumang impormasyon na natatanggap ang PNP na mayroon itong banta sa buhay.
Sinabi naman ni Col. Fajardo na handa aniya ang PNP na magbigay ng security sa sinuman na government official o ordinary citizen na may natatanggap na banta sa kanyang buhay kung magrequest ito.
Samantala, inihayag din ni Col. Fajardo na aantayin muna ng PNP ang tugon ni Quiboloy sa isyu at para sa official request mula sa Senado bago ipatupad ang posibleng pag-aresto o pagsisilbi ng subpoena laban sa self-proclaimed son of God na si Pastor Quiboloy.