DAVAO CITY – Nanawagan ang Police Regional Office (PRO) eleven sa mga ahente at coordinator ng mga investment company na magpakita na at isauli ang pera ng mga investors.
Inilibas ang nasabing pamahayag ng PRO XI dahil na rin sa serye ng patayan sa Tagum City mula pa noong nakaraang mga buwan kung saan ang pinakahuli ay ang pagpatay sa anak ng isang cashier at agent ng PLC investment company.
Matatandaan na noong setyembre 4, binaril-patay si Judylou Palas, 22 anyos, sa loob mismo ng bahay ng kanyang tiyahin sa Purok Dahlia, Brgy. Visayan Village, Tagum City.
Sugatan din ang pinsan nitong si Marinelle Tajale, 15 anyos.
Una nang naniniwala ang mga kakilala ni Palas na posibleng nadamay lang ang biktima dahil sa kasong may kinalaman ang kanyang ina.
Dahil dito, malaki ang paniniwala ni PRO XI Regional Director Brigadier General Marcelo Morales na kung maisauli ang pera ng mga investor, posibling mahinto na umano ang serye ng patayan sa Tagum City na sinasabing may kaugnayan sa mga investment scam.