-- Advertisements --

Kinumpirma na rin ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang pagkamatay ng isang kadete.

Una rito lumabas ang impormasyon na si Cadet Third Class George Karl Magsayo ay pinatawan umano ng parusa ng isang upperclassman at “pina-road test.”

Sinasabing pinagsusuntok daw ito ng limang beses sa kanyang tiyan na naging dahilan kaya nawalan ito ng malay tao.

PNPA magsayo
Cdt 3C George Karl Magsayo

Sa official statement naman ni PNPA public information chief Louie Gonzaga ay hindi pa nabanggit ang ikinamatay nito.

Sa ngayon isinasailalim pa raw sa otopsiya ang bangkay ng kadete upang madetermina ang dahilan nang pagkamatay nito.

Sinabi naman ni Gonzaga na batay sa inisyal na imbestigayon si Magsayo ay nawalan ng malay noong gabi ng September 23.

Agad namang ipinaalam daw ito sa mga opisyal at isinugod ng ambulance sa Academy Health Service.

Gayunman sa pagdating sa Qualimed Hospital, ito ay dineklarang dead on arrival ng attending physician.

Sa ngayon iniutos na rin ni PNPA director M/Gen. Rhoderick Armamento ang pagbuo ng Special Task Group—Magsayo na pangungunahan ng chief of staff na si colonel at Atty Ernesto Tendero bilang Task Group Commander.

Muli namang binigyang diin ng PNP na istrikto ang pinaiiral nilang “No To Hazing Policy” at mariing kinokondena ang ganitong gawain sa akademya.

“The Philippine National Police Academy maintains its strict “No To Hazing Policy” and that the highest values of respect for human life and rights is inculcated among our cadets and personnel. We condemn to the STRONGEST POSSIBLE term any acts that are violative of the same,” bahagi ng PNPA statement. “We express our sincerest condolences to the family of the late Cdt 3C Magsayo and pray that God comfort us all following this tragedy.”