BAGUIO CITY – Tiwala pa rin ang liderato ng Philippine National Police Academy (PNPA) na mataas ang magiging turn-out ng PNPA Cadet Admission Test o tinatawag ding PNPA Entrance Exam na isasagawa sa November 10 sa mga nakatakdang testing centers sa buong bansa.
Sa kabila ito ng napabalitang pagmamaltrato ng limang upperclassmen kay PNPA Cadet 4th Class John Desiderio na nagresulta sa pagkaka-ospital nito ng aabot na sa anim na araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lt. Col. Byron Allatog, public information officer ng PNPA, sinabi niya na bilang isang institusyon ay hindi kinukunsinti o pinapabayaan ng PNPA ang mga nangyayaring pagmamaltrato o pag-hazing sa mga kadete.
Ipinapasigurado pa niya sa mga magulang na lahat ng mga kadeteng nakagawa ng paglabag sa batas ay napapatawan ng kaukulang parusa batay sa mga patakaran at batas ng akademya.
Dinagdag niya na mandatory ang buwanang pagsasagawa ng health service ng PNPA ng body check sa lahat ng mga kadete doon.
Ayon pa kay Allatog, nasa stable na kondisyon na si Desiderio at umaasa silang makakabalik agad ito sa akademya para hindi ito mahuli sa academics.
Samantala, tumanggi itong ihayag ang pagkakakilanlan ng mga upperclassmen na nangmaltrato kay Desiderio dahil kasalukuyan aniya ang imbestigasyon sa nangyaring kaso.