VIGAN CITY – Hinimok ng isang consumer group sa bansa ang Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) ng Department of Science and Technology (DOST) na isapubliko ang pangalan ng mga brand ng suka na pinaniniwalaang peke at hindi gawa sa mga natural na sangkap o pampaasim tulad ng synthetic acetic acid.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Laban Konsyumer president Vic Dimagiba, sinabi nito na kailangan umanong ilabas ng PNRI ang pangalan ng mga brand ng suka na sinasabing hindi gawa sa mga natural na sangkap upang magsilbing babala sa mga mamimili at huwag nang tangkilikin pa ang mga ito.
Ayon kay Dimagiba, noong isinapubliko sana na ng PNRI ang resulta ng isinagawa nilang pag-aaral ay isinama na nila kung anu-anong mga brand ang mga hindi gawa sa mga natural na sangkap.
Sinabi pa ng lider ng nasabing consumer group na dating Trade undersecretary, maaari naman umanong pangalanan ang mga brand at pagpaliwanagin ang mga brand owner kung bakit hindi puwedeng i-recall ang kanilang mga produkto dahil naayon naman umano ito sa Consumer Act of the Philippines.
Una nang sinabi ng Food and Drug Administration na iimbestigahan o aaralin nila ang mga test results na isinumite sa kanila ng PNRI upang kaagad na makagawa sila ng aksyon hinggil sa nasabing isyu.