-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Iminungkahi ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na panahon na upang baguhin ang batas at payagan ang pagkakaroon ng nukleyar sa bansa.

Ayon kay Raymund Jacinto Sucgang, Supervising Science Research Specialists ng PNRI sa panahon ngayon ay masyadong kulang ang tinatawag na energy mix sa Pilipinas.

Hindi umano ito nakakapagbibigay ng sapat na supply ng kuryente.

Giit pa ni Sucgang na malaking tulong ang pagkakaroon ng nuclear energy sa kasalukuyang ginagamit na energy mix tulad ng wind, solar, geothermal at iba pa.

Ginagamit na rin aniya ang mga ito sa mga mauunlad na bansa kagaya ng Japan, Estados Unidos at Europa.

Ang kawalan ng nuclear technology sa bansa ay isa umano sa mga sagabal sa pag-unlad nito.

Sa kabilang daku, sinabi ni Sucgang na kabaliktaran sa iniisip ng karamihan na magpapatayo ng malaking nuclear power plant na magsu-suplay ng kuryente sa buong bansa, ang iminumungkahi ng mga ekspero ay ang pagpapatayo ng mga maliliit na planta sa bawat rehiyon o isla.

Mas madali at ligtas umano ang pamamahala sa mga modular power generators na pinapagana ng nukleyar.