Kampante ang Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na hindi gagamitin para sa paggawa ng mga nuclear weapon ang mga una nang naharang na depleted uranium sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay PNRI Director Dr. Carlo Arcilla, bagaman kilala ang uranium bilang main component sa paggawa ng mga nuclear bomb, malaki ang posibilidad na ang mga naharang sa bansa ay gagamitin sa ibang paraan.
Sa katunayan aniya, mistulang hindi alam ng mga nahuling indibidwal ang tamang handling sa mga ipupuslit sanang radioactive material,
Inihalimbawa ni Dr. Arcilla ang mga natunton na depleted uranium sa isang condpminium sa Pasay City na nasa kalagitnaan mismo ng commercial at residential center.
Naniniwala ang opisyal na hindi kabisado ng mga nagtatangkang magbenta nito kung ano ang bantang dulot ng depleted uranium sa kanilang kalusugan at seguridad, kasama na ang banta sa kanilang kaligtasan.
Ibinunyag din ni Dir. Arcilla ang kanilang natukoy na modus ng mga nahuling indibidwal kung saan ipinapakilala umano nila ang mga ito bilang platinum, upang makakuha ng mas mataas na presyo.
Samantala, ipinasuri na rin umano ng mga otoridad ang mga batang natukoy na nakalapit sa imbakan ng uranium sa Pasay, upang makita kung naapektuhan ang kanilang DNA, matapos ang hindi matukoy na bilang ng araw na pagkaka-exposed sa mapanganib na kemikal.
Nitong Oktubre nang magsagawa ng entrapment ang NI at nahuli ang tatlong indibidwal na umano’y nagbebenta ng uranium. Sa matagumpay na operasyon ay nasamsam ng mga otoridad ang 20 kgs ng metal bar at tatlong kilo ng black powder na pawang nagpositibo sa Uranium-235 at Uranium-238.
Ilan pang operasyon ang ikinasa ng National Bureau of Investigation (NBI) at mga law enforcement agencies sa ilan pang bahagi ng bansa at sa kasalukuyan ay umabot na sa 100 kgs ng uranium ang kanilang nasamsam sa mga serye ng operasyon.
Naniniwala si Dir. Arcilla na ang mga naharang na bulto ng unranium ay ipinuslit lamang sa Pilipinas dahil sa wala aniyang minahan ng Uranium dito sa bansa.