-- Advertisements --

Pinagtibay na ng Philippine Olympic Comittee (POC) general assembly ang pagdedeklara nila kay Philippine Track and Field Association (Patafa) President Philip Juico bilang persona non grata.

Kinumpirma ni POC president at Rep. Abraham Tolentino ang pag-ratify kanina sa naunang naging rekomendasyon ng executive board.

Isa sa naging basehan umano ng POC board ay ang umano’y “pangha-harass at paninira” kay Pinoy Olympian at pole vaulter EJ Obiena dahil sa isyu sa anomalya sa pondo na nakalaan sana sa foreign coach ng atleta.

Sinasabing 36 sa mga miyembro ng POC assembly kasama na ang Pinay Olympic gold medalist Hidilyn Diaz ang bomoto laban kay Juico.

Samantala limang miyembro naman ang komontra at tatlo ang nag-abstain.

Habang nasa 10 assembly members ang bigong makaboto.

Inamin naman ni Cong. Tolentino na hindi na kinikilala ng POC bilang Patafa president si Juico at maari lamang bawiin ito kung magkakasundo sila ni Obiena at iaatras ang banta na kaso kontra sa atleta.