Binigyang-diin ng Philippine Olympic Committee (POC) na prayoridad para sa pagbabalik ng sports training ang 19 na mga 19 national sporting associations (NSAs) na may mga atletang target makapasok sa ipinagpalibang Tokyo Olympics.
Sa online Philippine Sportswriters Association Forum, sinabi ni POC president Abraham “Bambol” Tolentino, kabilang sa mga sports na target makadagit ng puwesto sa Summer Games sa susunod na taon ang boxing, cycling, gymnastics, 3×3 basketball, athletics, skateboarding, karate, at weightlifting.
“We will be requesting for the approval of those 19 NSAs sa IATF to allow them for their start ng training,” wika ni Tolentino. “Yung focus ng request natin sa IATF, doon sa 19 na yun.”
Ayon pa kay Tolentino, hawak pa rin ng Philippine Sports Commission ang natitirang budget na nakalaan para sa mga sports na nakapuwesto na sa Olimpyada.
Inaasahan naman ng opisyal na babalik na ang training ng mga atleta sa Nobyembre.
Hinimok naman ni Tolentino ang mga NSAs na maghanap ng kani-kanilang venue para sa training bubble.
Samantala, isa pa sa mga inaalala ng POC ay ang Southeast Asian Games, na idaraos sa Vietnam sa 2021.
Aniya. binigyan ng host country ng hanggang Nobyembre ang iba’t ibang national Olympic committees (NOCs) para makapaghain ng kanilang mga apela.
Sakaling maaprubahan, inaasahang nasa 46 ang bilang ng mga sporting events na iho-host sa 2021 edition, mas mababa kumpara sa 56 ng Pilipinas noong nakalipas na taon.
“Definitely, mahihirapan tayo sa [overall championship,] because on the issue of the number of sports. Siyempre Vietnam will do all what they can do to get the overall championship,” ani Tolentino.