Iginiit ng liderato ng Philippine Olympic Committee (POC) na hindi sila uurong sa posibleng mga imbestigasyon na ilunsad kaugnay sa umano’y mga katiwaliang nangyari sa hosting ng bansa sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Kamakailan nang naghain ng resolusyon ang Makabayan bloc sa Kamara nag-uutos sa House committee on good government and public accountability na imbestigahan ang mga kontrobersiyang lumutang sa paggamit ng pondong inilaan sa biennial sporting event.
Una na ring bumuo ang Ombudsman ng isang fact-finding panel upang mangalap ng mga patunay ukol sa umano’y katiwalian sa hosting, na pinangasiwaan ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC).
Pero sinabi ni POC president at Cavite Rep. Abraham Bambol Tolentino sa panayam ng Bombo Radyo, mainam lamang ito upang malaman kung nagkaroon nga ba ng anomalya.
“Nakahanda po kami [sa anumang mga imbestigasyon], bukas po ang lahat ng libro diyan,” wika ni Tolentino. “Wala po kaming tinatago at very transparent [kami]. At para malinis na rin.”
Sa nauna na ring pahayag ni PHISGOC chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano, welcome para sa kanya ang mga imbestigasyon at nanindigan itong walang nangyaring katiwalian.
Ayon kay Cayetano, paraan din ito upang matuldukan na ang lahat ng tanong at magpokus na lamang sa tagumpay at sakripisyo ng mga atletang Pinoy na lumaban sa regional sports meet.
“We will fully support all investigations, and as I said before, I am ordering full transparency, audits and opening of all books,” he said. “Thousands of Filipinos worked hard and faithfully to make the Games the success that it is. Wala itong anomalya.”