Inaasahan umano ng Philippine Olympic Committee (POC) na mababawasan ang bilang ng mga sporting events sa 2021 Southeast Asian (SEA) Games na nakatakdang idaos sa Vietnam.
Ayon kay POC President Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, natapyasan kasi ang budget ng Vietnam na nakalaan sa SEA Games dahil sa coronavirus pandemic.
Gayunman, hindi raw ibig sabihin nito na titigil ang Pilipinas sa pagsulong ng mga sports kung saan malakas ang laban ng ating national team para sa overall title.
“Lalaban tayo. You think papayag ang Vietnam na di mag-champion. Pero lalaban tayo. We have to send our target number of athletes,” wika ni Tolentino.
Sa kabila ng pandemya, inihayag ni Tolentino na tuloy pa rin ang SEA Games kung saan asam ng Pilipinas ang ikalawang sunod na overall championship.
Noong 2019 SEA Games na ginanap dito sa bansa, pumangalawa ang Vietnam sa final medal tally kung saan humakot ito ng 98 gintong medalya.
Kaya naman inaasahan na gutom ang Vietnam na masulit ang kanilang homecourt advantage upang makubra ang No. 1 finish.