Nakiusap ang Philippine Olympic Committee (POC) kay Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez na bawiin ang desisyon nitong ayawan ang pagkakatalaga sa kanya bilang chef de mission (CDM) ng Team Philippines sa darating na 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni POC spokesman Ed Picson, si Ramirez umano ang pinakaangkop na maging pinuno ng delegasyon ng Pilipinas sa SEA Games dahil mas magiging madali raw preparasyon ng bansa para sa nasabing multi-sport event.
Ipinaabot na rin aniya ni POC president Ricky Vargas kay Ramirez ang hiling nito na irekonsidera ang naging pasya nito ukol sa alok sa kanya na maging chef de mission ng bansa.
Sa kasalukuyan aniya ay wala pa raw silang napipiling alternatibo sakaling hindi baliin ni Ramirez ang kanyang desisyon.
“Marami naman diyang puwede pero ang aming No. 1 choice at only choice para sa ngayon ay si [PSC] chairman Butch Ramirez. Kaya nga hinihiling sa kanya na kung maaari, pag-isipan niyang mabuti ang aming hiling sa kanya na siya na ang mamuno ng delegasyon. Wala kaming kinakausap na iba, siya na muna at kung maging maayos ang desisyon ay wala nang kailangang kausapin pa,” wika ni Picson.
Sa hiwalay namang interview ng Bombo Radyo kay Samahang Weightlifting ng Pilipinas president Monico Puentevella, ibinulgar nito na kanya raw nakausap si Ramirez at sinabi umano sa kanya na hindi niya raw ito tatanggapin upang walang conflict of interest.
Kuwento ni Puentevella, posibleng iniisip ni Ramirez na baka raw punahin ito ng Commission on Audit o ng Ombudsman kapag ito ang umupong chef de mission lalo pa’t hawak rin nito ang P6-bilyong pondo ng SEA Games.
“Kaya siguro sa kanya, to just handle the money is enough problem. Kailangan ayusin na niya ‘yun yung paghawak ng pera [na ibinigay ng Kongreso sa PSC],” ani Puentevella.
Maaari rin aniya na isa pa sa mga rason kung bakit hindi tinanggap ni Ramirez ang posisyon ay dahil sa ayaw na raw nitong sumawsaw pa sa nangyayaring gusot sa POC.
Una nang sinabi ni Ramirez, patuloy pa rin ang kanyang pagtulong sa pag-host ng bansa ng SEA Games kahit hindi siya ang umupong chef de mission.
Bukas din umano si Ramirez na pangunahan ang isang dialogue sa pagitan ng magkaibang paksyon sa loob ng POC.
“As the Chairman of the PSC, I call upon all our sports leaders to step back and take a moment to consider peaceful interactions. I still believe that we can all sit down and civilly thresh out what needs to be straightened out. The PSC is open to host a dialogue between parties and provide neutral ground for everyone to air their side and ultimately to either sacrifice or step-up in the interest of a unified sporting community,” saad ni Ramirez sa isang pahayag.