-- Advertisements --
bambol
POC chairman Abraham “Bambol” Tolentino talks with PHISGOC chairman Alan Peter Cayetano

Nakatakdang isagawa ng Philippine Olympic Committee (POC) ang ikalawa nilang special elections upang ihalal ang bago nilang pangulo sa susunod na linggo.

Ginawa ni POC chairman Abraham “Bambol” Tolentino ang opisyal na anunsyo ngayong araw kasunod ng kanilang general assembly na isinagawa sa Government Service Insurance System gym.

Dahil dito, napagpasyahan ng mayorya ng POC board na bumaba sa kanilang posisyon upang magkaroon ng bagong mandato ang organisasyon.

Ang pagbibitiw na ito ng mga top officials sa kanilang puwesto ay naging mungkahi ng ilan sa pinuno ng mga National Sports Association (NSA) na dumalo sa pulong.

Pinangunahan ni POC Board member at GSIS Chairman Clint Aranas ang pagbibitiw sa posisyon na sinundan ni Tolentino.

Magaganap ang eleksyon sa Hulyo 5 sa isang restaurant sa lungsod ng Pasay.

Ang gusot sa liderato ng POC ay sanhi ng biglaang pagbibitiw ni Ricky Vargas bilang presidente ng POC noong Hunyo 18.

Humalili sa kanya ni First Vice-President Joey Romasanta, sang-ayon sa Konstitusyon at by-laws ng komite.

Ngunit umalma ang ilan sa pag-upo ni Romasanta, kabilang na si Tolentino dahil sa hindi raw ito kwalipikadong umupo bilang pangulo ng POC.

Paliwanag ni Tolentino, kailangan ay kasalukuyang presidente ng isang NSA ang uupong pangulo ng POC, na hindi raw nasunod ni Romasanta dahil sa ito’y vice-president ng volleyball.