-- Advertisements --

Inanunsyo ng Philippine Olympic Committee (POC) na magpapamudmod sila ng halos P53-milyong extra incentives sa lahat ng mga atletang Pinoy na nakasungkit ng medalya noong 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Ayon kay POC president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, humingi raw siya ng tulong sa mga sports patrons, gaya ng Davao-based businessman na si Dennis Uy, at mga kasamahan nito sa Kongreso upang mangalap ng mga bonus na ipapamigay sa mga Pinoy medalists.

Ito ay bukod pa sa incentives mula sa gobyerno sa ilalim ng Athletes Incentive Act at ispesyal na bonanza mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ilalim ng incentive scheme ng POC, lahat ng mga gold medalists ay makakakuha ng P200,000, bukod pa sa P300,000 mula sa pamahalaan, at P250,000 mula sa Pangulo; sumatotal ay P750,000 ang kabuuang matatanggap ng mga gold medalists.

Para naman sa mga gold medal winners sa team sports, pagkakalooban ng tig-P100,000 sa mga two-member squads; tig-P75,000 sa mga teams na may tatlo hanggang apat na miyembro; at P50,000 sa mga teams na may lima o mahigit pang miyembro.

Makatatanggap naman ng P50,000 kada atleta ang mga individual silver medalists at mga teams na may dalawang miyembro, habang may P30,000 naman sa mga may tatlo o mahigit pang mga members.

Lahat naman ng mga bronze medalists ay magbubulsa ng tig-P30,000.

Matatandaang humakot ng 149 gold medals, 117 silver medals at 121 bronze medals ang mga Pilipinong atleta noong SEA Games, na pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa.