Nilinaw ng Philippine Olympic Committee (POC) at ng National Golf Association of the Philippines (NGAP) na nag-ugat sa logistical problems ang isyu sa uniporme ng Filipina golfers na sina Dottie Ardina at Bianca Pagdanganan sa kanilang 2024 Paris Olympics campaign.
Sa isang video na kumakalat sa social media, ipinakita ni Ardina ang kanyang pagkadismaya tungkol sa kanilang mga uniporme.
Sa isang pahayag, sinabi ng POC na ang opisyal na sponsor ng susuotin ng delegasyon ng Pilipinas ay nagpadala ng paunang golf uniform design ngunit hindi naaprubahan.
Ayon pa sa komite, ang revised design ay ipinadala lamang isang linggo bago ang opening ceremony noong Hulyo 27.
Dagdag pa ng POC, ibinigay din ang kanilang uniporme na binili sa Paris, ngunit parehong pinili nina Ardina at Pagdanganan na suotin ang kanilang dalang damit.
Binigyang-diin ng POC na walang katiwalian na nangyari at nalulungkot din silang marinig ang balita, at ang isyu anila ay isolated case.