Ididikta umano ng resulta ng nakatakdang special elections ng Philippine Olympic Committee (POC) ngayong araw ng Linggo ang magiging kapalaran ng sports sa bansa sa mga susunod na taon.
Ito ang paniniwala ng lead convenor ng grupong Reform Philippine Sports (RPS) Movement na si retired MGen. Charly Holganza.
Sinabi ni Holganza sa panayam ng Bombo Radyo, dapat umanong magwagi sa eleksyon ang mga kandidatong tunay na magsusulong ng reporma sa sports, na matagal na raw nasasadlak sa kahihiyan.
“Crucial itong vote na ito para makita natin kung ano ang magiging direksyon ng [POC] in the years to come,” wika ni Holganza. “Hindi lamang para sa [Southeast Asian] Games ito kundi para na rin sa Olympics next year.”
Bukas din umano ang kanilang hanay na makipagdayalogo sa bagong pamunuan ng POC at handa rin daw silang tumulong para sa matagumpay na hosting ng bansa ng SEA Games sa Nobyembre.
“We are hoping na once the new POC [leadership] is in place, we will be able to talk to the new membership committee kasi ang number one talaga na problemang nakikita namin is the division in a lot of our [national sports associations],” ani Holganza.
Maglalaban para sa pagka-presidente ng POC sina Philip Ella Juico ng athletics at Rep. Bambol Tolentino ng cycling.
Kabilang sa ticket ni Juico sina Steve Hontiveros ng handball na tatakbong chairman, habang board members naman sina Lani Velasco ng swimming, at Clint Aranas ng archery.
Samantalang sa panig naman ni Tolentino, si Robert Aventajado ng taekwondo ang tatakbong chairman, habang sa board of directors naman sina Monico Puentevella ng weightlifting at Cynthia Carrion ng gymnastics.