-- Advertisements --

Kumpiyansa si Philippine Olympic Committee (POC) president Ricky Vargas na makakaya ng Pilipinas na maabot ang target na 120 gold medals sa darating na 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Ginawa ni Vargas ang pahayag sa harap ng 58 kinatawan ng national sports associations (NSA) na dumalo sa pulong nitong Huwebes na pinangunahan ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman at 2019 SEA Games chef de mission William Ramirez.

Ayon kay Vargas, hindi raw malayo na makamit ng Pilipinas ang kanilang target lalo na kung magkakaisa ang mga sports officials sa iisang layunin.

Muli ring nanawagan ng pagkakaisa ang POC chief kasunod ng kontrobersya noong nakaraang linggo kung saan natanggal sa kanilang mga posisyon sa ilang komite sina dating POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco at ilan nitong mga kaalyado.

Maliban dito, binabalak din ni Vargas ang pagpapatupad ng isang incentive scheme upang mas lalo pang i-motivate ang mga atleta ng bansa para sa multi-sport event.

Noong 2017 SEA Games nang mag-uwi lamang ng 24 gold medals ang Pilipinas, na pinakamababa sa loob ng isang dekada.