Plantsado na ng Philippine Olympic Committee (POC) kung ilang atleta ang kanilang maaring ipadala sa Southeast Asian (SEA) Games sa susunod na taon sa Thailand.
Ayon kay POC president Abraham “Bambol” Tolentino , nais nilang magpadala ng mga atleta sa halos lahat ng mga sports events.
Malaking inspirasyon sa pagpapadala ng mas maraming bilang ang tagumpay ng Pilipinas sa Paris Olympics kung saan nagkamit ng apat na medalya sa pangunguna ng dalawang gintong medalya mula kay Carlos Yulo.
Mas maraming mga oras pa ngayon ang mga atleta na paghandaan ang nasabing torneo dahil sa natitirang halos isang taon para mabawi ng bansa ang pagiging overall champion.
Noong 2019 ay naging kampeon ang Pilipinas ng mapili sila bilang host at sa 2022 edition sa Vietnam ay naging pang-apat habang noong 2023 sa Cambodia ay nasa paglima ang puwesto ng Pilipinas.