-- Advertisements --

Aminado ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na nananatiling pahirapan pa rin ang paglilikas sa mga Pinoy seafarer mula sa Ukraine sa gitna ng nagaganap na sigalot doon ngayon.

Ayon kay POEA administrator Bernard Olalia, sa ngayon ay mayroon pa umanong 140 mga tripolanteng Pinoy ang inaasahang darating sa bansa matapos ang pag-uwe ng naunang 100 crew members mula sa Ukraine.

Gayumpaman ay sinabi ni Olalia na malaking pagsubok pa rin ang pagsagip sa mga natitira pang seafarers sa nasabing bansa dahil nasa mahagit 470 pa raw ang apektadong mga seafarers na lulan ng mga vessels na nakadaong sa lugar ng isla kung saan nangyayari ang digmaan.

Habang nasa mahigit 200 Filipino crew member pa ang hindi nakakalikas at kasalukuyang inaasikaso pa lamang ang repatriation ng mga ito.

Samantala, sinabi naman ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola na sa ngayon ay nasa 323 na mga Pinoy na mula sa Ukraine ang natulungang makauwe ng pamahalaan pabalik dito sa Pilipinas.