Inanunsyo ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na magsasagawa ng government-to-government deployment ng health care workers ang bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa isang panayam, sinabi ni POEA Administrator Bernard Olalia na nasa 500 home-based caregivers ang ipadadala sa Israel, habang 300 naman ang tutungong Japan.
Paglalahad ni Olalia, ang mga makukuha sa Israel ay may sahod na P100,000 kada buwan para sa limang taong kontrata.
Mananatili rin aniya ang mga ito sa kanilang mga employers.
Ayon pa sa opisyal, tapos dapat sa kanilang NC2 TESDA courses ang mga mag-aaply para magtrabaho sa Israel, at kailangang may hawak din silang clearance mula sa National Bureau of Investigation.
Gayunman, ang mga na-repatriate naman mula sa Israel dahil sa pandemya ay hindi na raw makakabalik.
Hindi rin papayagang umuwi sa Pilipinas ang mga caregivers hangga’t hindi natatapos ang kontrata.
Samantala, ang mga care workers na interesadong magtrabaho sa Japan ay graduate dapat ng Bachelor of Science in Nursing, meron man o walang Professional Regulation Commission (PRC) license.
“Hindi rin po [kailangan ng work experience]. Ang importante po dito ay meron po siyang Bachelor of Science [degree], may diploma po siya ng BS nursing,” wika ni Olalia.
“Or pwede rin po siyang nagtapos lamang ng kahit anong kurso ng apat na taon basta meron po siya nung tinatawag nating TESDA NC2 sa caregiver, caregiving course,” dagdag nito.
Pasado rin aniya dapat ang mga aplikante sa Japanese Language Proficiency Test.