Nakatakdang maglabas ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng guidelines kaugnay sa muling deployment ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan.
Una nang unanunsiyo ng Taiwan na muli silang magbubukas sa pagpasok ng mga migrant workers simula sa February 15.
Ayon sa Manila Economic Cultural Office (Meco) nasa mahigit 35,000 OFWs ang nakatengga ngayon at nag-aantay ng job openings sa Taiwan, kung saan nasa 11,000 ang mga bagong hires at 24,000 na mga replacements.
Sinabi naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III, anumang araw ngayon ay ilalabas ng POEA ang naturang guidelines.
Samantala, binigyang diin naman ni Sec. Bello na ang mga recruitment agencies ng mga OFW ang siyang dapat na gumastos sa pangangailangan ng quarantine protocols, katulad ng pagsagot sa RT-PCR tests dahil sa sila naman daw ang mga kumikita.
Batay sa patakaran ng Taiwanese government ang tutungo sa kanilang mga migrant workers ay kailangan pa ring sumunod sa 14-day quarantine at dagdag na pitong araw na self-management bago pumasok sa kanilang trabaho.