-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa publiko laban sa mga naglipanang hindi otorisadong emails na naglalaman ng unknown o hindi ligtas na mga link at attachments gamit ang pangalan ng ahensiya.

Sa inilabas na abiso na nilagdaan ni POEA Administrator Bernard Olalia, pinaaalalahanan ang publiko na hindi nagpapadala ng attachments, links o anumang electronic transfers ang POEA Assistance and Welfare Division.

Ayon sa ahensiya, nagpapanggap ang mga indibidwal at entities na ito bilang Repatriation Unit, Assistance and Welfare Division at POEA Central Office: REPTnAssistance at nagpapadala ng emails sa mga overseas Filipino workers maging sa kanilang kamag-anak o sa mga lisensyadong recruitment agencies.

Nagpapakalat aniya ang unauthorized persons na ito ng kalituhan sa publiko kaya dapat ay magkaroon ng mataas na security measures upang maiwasang mabiktima.

Naiulat na rin ng POEA ang naturang isyu sa kanilang Information, Communications at Technology Services para sa karampatang aksyon.